(RMN) Iminungkahi ni Senator Jinggoy Estrada sa pamahalaan na unahin ang problema sa pabahay ng mga Pilipino sa halip na ‘temporary housing’ para sa Afghan foreign nationals.
Ito ang iginiit ni Estrada sa gitna na rin ng pagdinig ng Senado sa hiling ng US sa Pilipinas na pansamantalang patirahin sa bansa ang nasa 50,000 Afghan immigrants habang inaayos pa ang kanilang US visa.
Tinukoy ni Estrada ang ilang concerns sa pagpapasok sa bansa ng Afghan special immigrants.
Aniya, bibigyan natin ng pansamantalang tahanan dito sa bansa ang mga dayuhan pero mismong sa sarili nating bakuran ay problema ang 6.5 million na housing backlog para sa mga mahihirap nating kababayan.
Binigyang diin ni Estrada na mas dapat na unahin ang pangangailangan ng ating mga mamamayan na walang sariling bahay at mataas pa ang ‘cost of living’.
Giit pa ng senador, mas dapat na i-focus sa pangangalaga sa sarili nating mga kababayan ang limitadong resources na mayroon lamang ang bansa.