(ONLINE BALITA) Iginiit ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada ang kahalagahan ng pagpasa ng panukalang Magna Carta of Filipino Seafarers at sinabing napapanahon ang pagsasabatas nito matapos magbanta ang European Union na ipagbabawal ang pagkuha ng mga marinong Pilipino hangga’t hindi sumusunod ang Pilipinas sa kanilang pamantayan.
Ang mga pahayag ng senador ay patungkol sa napabalitang banta ng EU na ipagbawal ang pagsampa ng mga Pilipinong seafarers kabilang na ang mga nasa 50,000 na marinong Pilipino na kasalukuyang naka-deploy sa rehiyon dahil bigo umano ang bansa mula pa noong 2006 na makapasa sa pagsusuri ng European Maritime Safety Agency (EMSA).
Sinabi ni Estrada, principal author at co-sponsor ng Senate Bill No. 2221, mahalaga ito para magbigay proteksyon at magtataguyod sa mga karapatan ng mga Pilipinong seafarers.
“Sa pamamagitan ng panukalang batas na ito, inaasahan nating maiiwasan ang ganitong mga problema, at sa halip ay lalo pang mai-angat ang kalidad ng serbisyo ng ating mga marino na siyang batayan ng respeto, paghanga at pati na rin ng mataas na demand para sa kanila sa international maritime industry,” sabi ni Estrada
Nagbigay ng babala ang EU sa Pilipinas noong nakaraang taon dahil sa kahinaan sa pagsasanay at edukasyon ng mga Pilipinong marino kung saan hinimok nito ang gobyerno na tumalima sa Standards of Training, Certification, and Watchkeeping for Seafarers Convention (STCW) at nagbanta hindi kikilalanin ang sertipikasyon ng kuwalipikasyon na ibinibigay sa mga seafarers kung hindi aaksyunan ang nasabing usapin.
Unang isinulong ni Estrada ang pagpasa ng panukalang batas noong 16th Congress at ito rin ang unang naghain nito noong 2013.
Sa unang bahagi ng taong kasalukuyan, inanunsyo ng EU Commission ang desisyon nila na patuloy nilang kikilalanin ang mga safety certifications ng Maritime Industry Authority (MARINA) matapos na isaalang-alang ang pagsisikap ng Pilipinas na makatupad sa requirements ng mga ito.
Nabanggit din nito na kinikilala ang Pilipinas na isa sa pinakamalaki ang ambag sa maritime labor supply sa buong mundo.