VAT refund hinirit sa mga turistang foreign national

(ABANTE) Itinulak ni Senador Jinggoy Estrada ang pagbibigay ng refund sa value-added tax (VAT) ng mga foreign tourist na bibili ng mga produktong gawa sa Pilipinas.

Layon ng panukala na mahikayat pa ang maraming turista para bumisita sa bansa at makikinabang din aniya ang mga micro, small and medium enterprises (MSME) sa ganitong hakbang.

“Kung tataas ang benta ng mga locally made products, hindi lang ang mga MSME ang makikinabang dito dahil kaakibat ng paglago ng negosyo nila ay ang pagbubukas o pagbibigay ng trabaho sa ating mga kababayan,” sabi ni Estrada.

Inihain ni Estrada, chairperson ng Senate committee on labor, employment and human resources development, ang Senate Bill No. 2148 na magtatakda ng VAT refund mechanism para sa mga dayuhang turista sa bansa.

Sa ilalim ng panukala, maaaring makakuha ng VAT refund ang mga turista sa bibilhing produkto na may kabuuang halaga na aabot sa P3,000 o higit pa mula sa mga awtorisadong retailer sa bansa sa loob ng 60 araw mula sa petsa ng pagbili.