Tax refund sa foreign tourists isinulong ni Sen. Jinggoy

(ONLINE BALITA) Isinusulong ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada ang pagbibigay ng refund sa value-added tax (VAT) sa mga foreign tourists na bibili ng mga produkto mula sa Pilipinas na katulad ng ginagawa ng ibang bansa.

Ayon sa senador upang mapadami pa ang pagdayo ng mga turista sa bansa upang maraming maliliit na negosyante sa bansa ang kumita.

“Kung tataas ang benta ng mga locally made products, hindi lang ang mga MSMEs (micro, small and medium enterprises) ang makikinabang dito dahil kaakibat ng paglago ng negosyo nila ay ang pagbubukas o pagbibigay ng trabaho sa ating mga kababayan,” sabi Estrada, na isang labor advocate.

Inihain ng chairperson ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development, ang Senate Bill No. 2148, na tatawaging “An Act Creating a VAT Refund Mechanism for Non-Resident Tourists, adding for the purpose a new Section 112-A to the National Internal Revenue Code of 1997, as amended.”

Sa ilalim ng panukalang batas, ang mga turista ay maaaring makakuha ng VAT refund sa mga bibilhing produkto na may kabuuang halaga na aabot sa P3,000 o higit pa mula sa mga awtorisadong retailer sa bansa sa loob ng 60 araw mula sa petsa ng pagbili.

Ang kalihim ng Department of Finance (DOF), sa rekomendasyon ng kalihim ng Department of Tourism (DOT) at commissioner ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ay may awtoridad na mag-adjust ng threshold batay sa mga administratibong gastos sa pagproseso ng mga refund, inflation at iba pang kondisyon sa merkado.

“Maraming pag-aaral ang nagpapakita ng multiplier effect ng turismo. Bagaman ang direktang paggastos ay malaking ambag sa GDP (gross domestic product), ang mga hindi direktang epekto ay kasinghalaga rin na nagpapahiwatig ng malakas na ugnayan sa lokal na ekonomiya at paglikha ng trabaho,” sabi ni Estrada.