Jinggoy: Digitized copies ng textbooks, solusyon sa 1:1 student-textbook ratio

(ABANTE) Para maisakatuparan ang 1:1 textbook-student ratio, isinusulong ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada na magkaroon ng digital copies ang lahat ng textbook at reference books sa mga pampublikong paaralan sa elementarya at secondary levels.

“Kung pipilitin natin na mabigyan ng sapat na bilang ng libro ang bawat mag-aaral sa mga pampublikong paaralan, matatagalan pa ito. Ang pagkakaroon ng digital copies na maa-access nila gamit ang internet ang tanging paraan na nakikita ko upang magutunan ang kanilang pangangailangan,” sabi ni Estrada matapos ihain ang Senate Bill No. 2075.

Sa kaniyang SBN 2075 o ang panukalang Philippine Online Library Act, layunin nito na magtatag ng Philippine Online Library na magsisilbing repository ng lahat ng digitized copies ng textbooks at reference materials na ginagamit ng mga mag-aaral sa public elementary at secondary levels.

“Kung ang mga ito ay available na online, makakadagdag ito sa mga kasalukuyang silid-aklatan ng mga paaralan maging ng mga local government units sa buong bansa at makakatulong din sa mga guro at mag-aaral lalo na sa mga gumagamit ngayon ng iba’t ibang paraan ng pag-aaral,” saad ni Estrada.

Sa ilalim ng panukala, itatalaga sa Department of Education (DepEd) ang paggawa ng mga digitized copies ng lahat ng textbook at reference books ng mga mag-aaral sa public elementary at secondary levels.

Ang mga ito ay ilalagak sa ipinapanukalang Philippine Online Library na magkatuwang na pamamahalaan ng DepEd at Department of Information and Communication Technology (DICT).

Para matiyak ang access sa mga ito, maglalagay ng mga computer at laptops ang DepEd sa lahat ng pampublikong primary at secondary schools at ang DICT naman ay aatasan na na maglagay ng mabilis at maasahang internet connection.

Imamandato rin sa panukalang batas ni Estrada ang pag-recycle ng mga computer, laptop atbp ng lahat ng national government agencies, GOCCs at government financial institutions.

Ang kanilang mga lumang computers na papalitan nila ng bago, ay ieendorso ng DepEd sa DICT para suriin kung nasa maayos na kondisyon pa rin ang mga ito bago ipamahagi sa mga primary at secondary schools sa buong bansa. Sa ganitong paraan, mababawi ang gastusin sa pabili ng mga computers at ng mga mag-aaral. (Dindo Matining)