Jinggoy: Automatic refund sa service interruptions ng mga telco, ISP gawing batas

(ABANTE) Isusulong ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada na mag-refund sa kanilang mga subscribers ang telecommunication companies at internet service providers (ISPs) sa mga palyado o service interruptions na aabot sa 24 na oras o higit pa sa loob ng isang buwan.

Ito ang nakapaloob sa Senate Bill No. 2074 o ang panukalang Refund for Internet and Telecommunications Service Outages and Disruptions Act na inihain ni Estrada noong Abril 17.

“Naayon lamang na may refund lalo na kung ang nabalam na serbisyo ay aabot sa 24 na oras sa loob ng isang buwan. Serbisyo ang binabayaran natin. Kapag hindi ka nakabayad ng iyong bill sa itinakda nilang due date ng pagbabayad, mabilis pa sa alas kwatro ang pagputol nila ng linya. Kung hindi rin naman nila matutumbasan ang serbisyong binabayaran natin, dapat ikaltas ito sa ating mga bayarin,” sabi ni Estrada.

“Bakit tayo magbabayad sa serbisyong hindi naman natin napakinabangan? At sa panahon na halos nakadepende ang bawat galaw natin sa mga gadgets at digital devices, mahalaga ang pagkakaroon ng mabilis, accessible at reliable connection,” dagdag pa niya.

Layunin ng panukala na iatas sa public telecommunication entities (PTEs) at ISPs ang pagkakaroon ng mekanismo para sa automatic refund o kabawasan sa singil ng kanilang postpaid at prepaid subscribers sa tuwing matitigil ang kanilang pagbibigay serbisyo.

Nakasaad doon na amiyendahan ang Section 20 ng Republic Act 7925 o ang Public Telecommunications Policy Act of the Philippines at isama ang probisyon na magtatakda ng refund credit sa customer na nakaranas ng service outage o disruption na aabot sa 24 na oras sa loob ng isang buwan.

Ang refund credit ay dapat ding ibigay maging sa mga customer na prepaid ang batayan ng serbisyo.

“Maaari lamang makamit ang tunay na accessibility kung ang connection services ay regular, maaasahan, consistent, walang patid at mabilis para masiguro ang tuloy-tuloy na mga gawain at interconnection ng mga gumagamit nito,” saad ni Estrada. (Dindo Matining)