Paglathala ng mga batas sa online Official Gazette at print media sites, iginiit ni Sen. Jinggoy

(SMNI NEWS) NAIS ni Senator Jinggoy Ejercito Estrada na maging mandato ang paglalathala ng mga ipatutupad na bagong batas sa online portal ng Official Gazette at mga websites ng mga pahayagan sa bansa.

Sinabi ni Estrada na kailangang sumabay ang pamahalaan sa mga umuusbong na teknolohiya sa pagpapalaganap ng impormasyon ukol sa mga bagong pirmang batas, mga kautusan ng Pangulo, at iba pa.

Sa nasabing panukala, iminungkahi rin ni Estrada na pahintulutan ang mga pagsasaayos sa paglalathala ng mga bagong batas kung ang layon nito ay tugunan ang isang pambansang emergency situation.

Batay sa Saligang Batas, nagkakabisa ang mga bagong batas 15 araw matapos makumpleto ang paglalathala nito sa Official Gazette o ang opisyal na pahayagan ng Republika ng Pilipinas, o sa isang pahayagan na mayroong national circulation.

Ang paglalathala ay rekisito sa pagtugon sa due process at saklaw nito ang lahat ng batas na pinagtibay ng Kongreso, pati mga kautusan at proklamasyon ng Pangulo, mga IRR ng mga batas, at iba pa.