Jinggoy: Mga batas ilathala sa online Official Gazette, print media sites

(ABANTE) Itinutulak ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada na imandato ang paglalathala ng mga ipatutupad na bagong batas sa online portal ng Official Gazette at mga websites ng mga pahayagan sa bansa.

Sa pag-amiyendahan ang Civil Code at Administrative Code of 1987 na nag-aatas ng pagpapalathala bilang requirement para magkabisa ang mga bagong batas, sinabi ni Estrada na kailangang sumabay ang pamahalaan sa mga pagbabagong dala ng teknolohiya sa pagpapalaganap ng impormasyon ukol sa mga bagong pirmang batas, mga kautusan ng Pangulo at mga implementing rules and regulations (IRRs).

Aniya, mas mabisang matutugunan ang mga communication barriers dulot ng information technologies kung magiging mas malawak ang kaalaman ng publiko sa mga bagong patakarang ipinatutupad ng gobyerno.

“Ang kamangmangan sa batas ay hindi sapat na dahilan sa panahon ng information age kung saan ang lahat ay mabilis at malawak na napapakalat gamit ang internet. Dapat makaagapay din tayo sa mga makabago, mabilis at mabisang pagpapalaganap ng impormasyon sa publiko na may kinalaman sa mga ipinatutupad na batas,” saad ni Estrada.

Para mapalawak ang bilang ng mga makakabasa ng Official Gazette, inirekomenda ni Estrada sa kaniyang Senate Bill 1645 na saklawin ang paglalathala ng mga batas sa online version nito at maging sa online version ng mga pahayagan na pangmalawakan ang sirkulasyon bilang ligal at kinikilalang paraan ng paglilimbag ng mga batas ng bansa.

Sa nasabing panukala, iminungkahi rin ni Estrada na pahintulutan ang mga pagsasaayos sa paglalathala ng mga bagong batas kung ang layon nito ay tugunan ang isang pambansang emergency situation.

Nagkakabisa ang mga bagong batas 15 araw matapos makumpleto ang paglalathala nito sa Official Gazette o ang opisyal na pahayagan ng Republika ng Pilipinas o sa isang pahayagan na mayroong national circulation.

Ang paglalathala ay rekisito sa pagtugon sa due process at saklaw nito ang lahat ng batas na pinagtibay ng Kongreso, pati mga kautusan at proklamasyon ng Pangulo, mga IRR ng mga batas at iba pa. (Dindo Matining)