Sen. Jinggoy iginiit ang kahalagahan ng panukalang Center for Disease Control

(SMNI NEWS) BINIGYANG-diin ni Senator Jinggoy Ejercito Estrada na dapat nang ipasa ang panukalang Philippine Center for Disease Control and Prevention (CDC) para sa pagtugon sa mga public health emergency sa bansa.

Bagama’t patuloy na bumababa ang mga kaso ng COVID-19 sa bansa, lalo na sa National Capital Region (NCR), iginiit ni Estrada na nananatili pa rin itong seryosong banta sa pampublikong kalusugan.

Sinabi rin ni Estrada na isinaalang-alang sa pagbalangkas ng nasabing panukalang batas ang mga natutunang aral sa pagtugon sa pandemya at crisis management.

Sa ilalim ng nasabing panukala ay isasaayos ang Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na ililipat mula sa Office of the Secretary of Health at ilalagay sa ilalim ng CDC.

Iminumungkahi rin ng SB 679 ni Estrada ang pagtatatag ng apat na center – ang Center for Health Statistics, Center for Surveillance and Epidemiology, Center for Health Evidence, and Center for Reference Laboratories.

Ang mga ito ay pangangasiwaan ng CDC na siyang mamumuno at mag-uugnay sa lahat ng pangunahing tungkulin lalo na sa tuwing may public health emergencies at kalamidad.