Jinggoy: Panukalang Center for Disease Control, makapagliligtas ng buhay

(ABANTE) Makatutulong sa pagpapahusay ng koordinasyon at patakaran ng mga ahensya ng gobyerno ang panukalang Philippine Center for Disease Control and Prevention (CDC) para sa pagtugon sa mga public health emergency sa bansa, ayon kay Senador Jinggoy Estrada.

“Ayaw man natin na maranasan uli ang pandemya, hindi natin maikakaila na totoo namang pwedeng maulit ito at sa anumang hagupit ng krisis na dulot ng epidemya o pandemya, ang pagiging handa ang isa sa ating maaasahan na pansangga sa delubyong ito,” saad ni Estrada, may-akda ng Senate Bill No. 679 o ang panukalang Philippine Center for Disease Control and Prevention (CDC) Act.

Bagama’t patuloy na bumababa ang mga kaso ng COVID-19 sa bansa, lalo na sa National Capital Region (NCR), iginiit ni Estrada na nananatili pa rin itong seryosong banta sa pampublikong kalusugan.

“Ang mabigyan ng lunas at patuloy na pagsasagawa ng mga pananaliksik para maiwasan ang mga ganitong uri ng sakit ay naging prayoridad ng gobyerno pati na ang paglalatag ng koordinasyon ng iba’t ibang ahensya ay lubhang makabuluhan batay na rin sa naging karanasan natin mula sa COVID-19 pandemic,” sabi pa ng beteranong mambabatas.