Modernisasyon ng Coast Guard itutulak ni Jinggoy

(ABANTE) Bunsod ng mga pinakahuling kaganapan sa maritime sector, itinataguyod ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada ang modernisasyon ng Philippine Coast Guard (PCG) upang makaagapay ito at agarang makatugon sa mga maritime emergencies.

Tinukoy ni Estrada ang aksidenteng kinasangkutan ng oil tanker na lumubog sa Oriental Mindoro na nakaaapekto na sa apat na probinsya dahil sa tumatagas na langis na lulan nito at ang mga insidente ng panggigipit ng pwersa ng China sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.

“Imbes na magturuan o magsisihan sa nangyaring pagkalat ng oil slick dulot ng paglubog ng MT Princess Empress, hanapin natin ang solusyon dahil mauulit at mauulit ang mga ganitong aksidente,” saad ni Estrada.

Sa paghahain ng Senate Bill No. 2016 o ang panukalang Philippine Coast Guard Modernization Act, sinabi ng chairperson ng Senate Committee on National Defense and Security na panahon na para ma-upgrade ang logistical support ng pinaka-una at tanging humanitarian armed service ng Pilipinas.

Isiniwalat kamakailan ng mga opisyal ng PCG na ang mga kasalukuyang assets nito ay hindi sapat para magpatrolya sa karagatan na sakop ng bansa at protektahan ang mga mangingisdang Pilipino laban sa mapaniil at nanghihimasok na mga dayuhan.

“Ang PCG ay pinagkalooban ng kapangyarihan na gampanan ang limang pangunahing tungkulin na may kinalaman sa maritime safety, security, search and rescue, law enforcement at environmental protection. Sa harap ng napakabigat na mga gawain para maipatupad ang mga regulasyon alinsunod sa maritime international conventions, treaties at mga batas natin, hindi sapat ang pagkakaroon ng fleet na binubuo lamang ng tatlong offshore patrol vessel para gampanan ang kanilang mapanganib at kritikal na mga tungkulin,” sabi ng beteranong mambabatas.

Inilatag ni Estrada sa kaniyang panukalang batas ang 15 taong modernization program na magbibigay daan para maisakatuparan ang pag-upgrade ng assets at mapabuti ang kakayahan ng PCG na magampanan ang mga mandato nito na pinag-uutos ng mga umiiral na batas.

Layon ng iminungkahing modernization program ni Estrada na mapabilis ang pagtugon sa search and rescue operations at malaki ang mai-ambag na masiguro ang mga maritime zone at nasasakupang dagat ng bansa laban sa terorismo at iba pang elemento na banta sa pambansang seguridad.