Jinggoy: Sapat ang parusa ng Anti-Hazing law vs. hazing

(ABANTE) Naniniwala si Senador Jinggoy Estrada na ang kasalukuyang batas laban sa hazing ay may sapat na penalty provisions para sa mga mapapatunayang guilty sa pagkakasangkot sa hazing.

Ginawa ni Estrada ang pahayag matapos sabihin ng ama ni John Matthew Salilig na pabor sa pagbuhay ng death penalty bilang parusa para sa mga pumatay o nanakit sa isang miyembro ng fraternity o sorority sa pamamagitan ng brutal na initiation rites.

“I still believe we have sufficient laws against hazing. We have the Anti-Hazing Law (Anti-Hazing Act of 2018),” sabi Estrada sa virtual interview ng mga reporter.

“But I agree with the father of Salilig na kailangan idamay na rin yung mga school officials na pumapayag or hinahayaan yung hazing mangyari sa mga schools,” dagdag niya.

Sa panayam sa ANC, sinabi ni Joeffrey Salilig, amang ng 24 anyos na si John Matthew, na pabor siya na amiyendahan ang Anti-Hazing law at isama ang parusang kamatayan para sa mga sangkot sa hazing.

“I am now in favor of this so that these fraternities that are involved in such initiation rites will really observe.. they will do such a thing, if they know there is a stiffer penalty,” sabi ng ama ni John Matthew.

Natagpuan ang katawan ng biktima, engineering student ng Adamson University sa isang bakanteng lote sa Imus, Cavite noong Pebrero 28, ilang araw matapos siyang maiulat na nawawala. (Dindo Matining)