Keynote Speech: Sampung Natatanging Kasambahay ng Pilipinas 2023

Delivered on January 25, 2023

Sampung Natatanging Kasambahay ng Pilipinas 2023

SENATOR JINGGOY EJERCITO ESTRADA 

My special thanks go to Labor Secretary Bienvenido Laguesma for taking some time from his very busy schedule to be with us today on this momentous occasion. And also of course to my dear colleagues, for accepting our invitation to witness and take part in this event. 

Kasabay ng paglagda ni dating Pangulong Benigno Aquino III ng RA 10361, ang Domestic Workers Act or Batas Kasambahay, sampung taon na ang nakalipas, ay ang pagtatakda ng “Araw ng mga Kasambahay” tuwing ika-labing-walo ng Enero ng taon.

Bilang punong may-akda at sponsor ng batas na ito, minarapat ko na gawing mas makabuluhan ang paggunita sa pagsasabatas nito sa pamamagitan ng pagbibigay parangal sa mga namumukod-tangi nating mga kaagapay sa pang-araw-araw nating pamumuhay.  

Sila Nanay Irma, Mama Emer, Mama Ghie, Mercy, Nanay Gagang, Nanay Eda, Jessa, Meralyn, Luzviminda at Aida ay iilan lamang sa milyon nating mga kababayan na namamasukan bilang kasambahay. 

Marahil ay marami ang inuugnay ang batas na ito sa kaso ni Bonita Baran, ang domestic helper na tinulungan natin matapos mapabalita ang hindi makataong pagtrato at matinding pagmamalupit mula sa kamay ng kanyang mga employer. Noong Hulyo 2021, ibinasura ng Supreme Court ang apela ng mag-asawang Anna Liza and Reynaldo Marzan. Kinatigan ng Kataas-taasang Hukuman ang sintensyang inihatol ng Quezon City Regional Trial Court noong Agosto 2017 sa pagiging guilty ng mag-asawa sa kasong serious illegal detention na may kaakibat na pagkakakulong na 20 hanggang 40 years.

Ang kasong ito ni Bonita ay hindi lamang nagbunsod sa agarang pagpasa ng Batas Kasambahay. Nagsilbi rin itong litmus test sa pagpapatupad ng mga tuntunin sa tamang pagtrato ng ating mga katuwang sa pangangalaga sa ating pamilya. Ipinagmamalaki ko na matapos maisapubliko ang karanasan ni Bonita, wala na halos tayong nabalitaan na kahalintulad na kaso ng pagmamalupit sa ating mga kasambahay sa bansa. Patunay ito na binigyan natin ng ngipin ang mga umiiral na batas. 

Ang okasyong ito ay nagpapatunay rin sa mas nakakararami nating mga kababayan na nagbibigay importansya sa mga namamasukan sa kanilang mga kasambahay at karamihan sa mga natanggap naming mga pag-endorso ay mula mismo sa mga employers. Ang ilan sa kanila ay naririto ngayon para saksihan ang parangal na sila mismo ang naggawad, sina Lizette Ventura, Mary Grace Paual, Marivic de Guzman, Virginia Monreal at Joyner Lawrence. Palakpakan po natin sila. Kayo man ay katangi-tangi dahil hindi ninyo ipinagkait sa inyong mga kasambahay ang kanilang mga karapatan at itinuring ninyo sila bilang miyembro ng inyong pamilya. Maraming salamat po sa inyo!

Bilang sukli sa inyong mga employers, minarapat ko na isulong ang pag-amyenda sa Batas Kasambahay sa ilalim ng Senate Bill No. 456 para mabigyan ng karampatang proteksyon naman laban sa mga kawatan na magkukunwaring mamasukan na kasambahay at ang tanging layon ay makapagsamantala sa tiwalang ibinibigay ninyo sa kanila. 

Nang isinabatas naming ang RA 10361, minarapat naming na baguhin ang nakagawian nating tawag sa kanila at gawing mas makatao o angkop sa papel na ginagampanan nila sa ating buhay. “Kasambahay” which literally means house companion. 

At sa pagtitipong ito, pinatunayan ng sampu nating kasambahay at ng mga nomina sa kanila ang pagiging katuwang nila sa pamumuhay ng pamilyang kanilang kinabibilangan.

Mahaba ang prosesong pinagdaanan ng batas na ito. Maaring lingid sa kaalaman ng nakararami, ang Batas Kasambahay was originally filed by former Sen. Francisco Tatas during the 10th Congress in 1996, as a response to the recommendations of the 1st National Consultation on Child Domestic Workers in the Philippines. 

From the time the Labor Code took effect in 1974, it took the legislature 19 years to amend only one provision increasing the minimum wage of domestic workers with the enactment of RA 7655 n August 1993. Umabot pa ng labing siyam na taon bago naisabatas itong Batas Kasambahay.

At ngayon, sampung taon makalipas na maging ganap ang Batas Kasambahay, we’re now reaping the fruits of our labor at ikinagagalak kong lubos na marami ang tumatalima sa batas at mas nakararami ang higit pa ang pagtalima sa batas. 

Kung ang ating mga overseas Filipino workers ay itinuturing na modern-day heroes, ang ating mga kasambahay naman ay ang mga “unsung heroes.”

Ngunit ngayon, hindi na sila maituturing na unsung heroes dahil sisiguruhin natin na mabibigyan ng pagkilala ang mga katangi-tanging mga kasambahay nang sa ganun ay pamarisan hindi lamang sila, maging ang kanilang mga employers sa tamang pagtrato sa ating mga kababayang namiling mamasukan sa isang marangal na trabaho kapalit ang oras na makapiling ang kanilang sariling pamilya. Maraming salamat po at muli, congratulations sa ating Sampung Natatanging Kasambahay!