Jinggoy: Saligang Batas ituro sa mga high school student

(ABANTE) Naghain si Senador Jinggoy Ejercito Estrada ang panukalang batas na nagmamandato sa pagsaklaw ng pag-aaral ng Saligang Batas sa kurikulum ng mga junior at senior high school students.

Ayon sa senador, ito’y upang maitaas ang antas ng kamalayan ng mga kabataan sa kanilang mga karapatan at tungkulin at magkaroon ng pagpapahalaga sa kasaysayan ng bansa.

“Ang pagkakaroon ng nationalist mindset ay dapat maituro sa mga mag-aaral upang mabuhay sa kanila ang pagnanasa at adhikaing iangat at palakasin ang ekonomiya ng Pilipinas,” ani Estrada na chairperson ng Senate Committee on National Defense and Security, Peace, Unification and Reconciliation sa kanyang paghahain ng Senate Bill No. 1443 o ang panukalang Mandatory Constitutional Education Act.

Layunin ng panukala na makabuo ng isang Constitutional Education Course para sa secondary school students sa lahat ng pampubliko at pribadong institusyon upang pagyamanin ang pang-unawa at pakikilahok ng mga kabataan sa mga proseso ng pamahalaan, at bigyan sila ng kaalaman ukol sa Konstitusyon na magagamit nila sa kanilang pagsusuri at pag-aanalisa ng mga pampublikong isyu.

Ang pagtatatag ng nasabing kurso, aniya, ay dapat alinsunod sa mga pamantayan at prinsipyo ng enhanced basic education curriculum na nakasaad sa RA 10533.

Sabi pa ni Estrada, magpapaunlad ng mga teknikal na kasanayan ng mga mag-aaral lalo na sa larangan ng agham, teknolohiya, engineering, at matematika (STEM).

Nakasaad sa panukala na makikipagtulungan ang Department of Education (DepEd) sa mga ahensya ng gobyerno at mga eksperto sa Saligang Batas mula sa hanay ng mga nasa akademya upang maitatag ang nasabing kurso at imandato rin ang pagsasanay ng mga guro sa pagtuturo nito. -Dindo Matining/ ABANTE