Jinggoy pinatataasan ang disability pension ng mga war veteran

(ABANTE) Hinimok Senador Jinggoy Ejercito Estrada ang kanyang mga kasamahan sa Senado na repasuhin ang pensyon ng mga beteranong may kapansanan na tatlong dekada nang hindi nababago.

Sabi ni Estrada, isang matinding kawalan ng hustisya para sa mga benepisyaryo ang buwanang pension na ang kasalukuyang halaga ay naglalaro lamang sa P287.

Ang P1,000 hanggang P1,700 na buwanang pension para sa mga beteranong sundalo at kanilang mga sustentado sa ilalim ng RA 6948 ay hindi nadagdagan sa nakalipas na 28 taon, sabi ni Estrada sa kanyang sponsorship speech sa Senate Bill No. 1480.

“Kung isasaalang-alang ang mataas na halaga ng pamumuhay ngayon at lagay ng kanilang kalusugan, kakarampot na lamang ang halaga nito bilang pantustos sa kanilang pangangailangan,” ani Estrada.

“Kung susumahin, masyado ng mababa ang halaga ng P1,000 noong 1994 dahil tumaas na ng 250% ang presyo ng mga bilihin mula noon. Ang halaga ng isang libo noon ay P287 na ngayon. Hindi na po sapat ang presyo ng tinatanggap ng ating mga beterano, lalo na sa harap ng pagtaas ng mga bilihin at mga pangunahing pangangailangan,” dagdag niya.

Binigyang-diin ni Estrada ang halaga ng pagtaas ng pensyon ng mga beterano, mula sa buwanang minimum na P4,500 para sa may kapansanan, at pinakamataas na P10,000 at P1,000 para sa asawa at bawat menor de edad na anak.

Ang pagtaas sa nasabing mga benepisyo ay ipagkakaloob sa mga kwalipikadong benepisyaryo na kabilang sa 4,386 beteranong pensyonado.

Nasa 204 sa kanila ang mga centenarians na, at ang pinakamatanda ay isang 112 taong gulang na beterano ng World War II; 2,276 na asawa at 795 menor de edad na anak ng mga beteranong sundalo.

Sa datos na ibinahagi ng Philippine Veterans Affairs Office (PVAO), napag-alaman ni Estrada na umaabot sa 1,484 ang mga beteranong nasa edad 90 hanggang 99 at karamihan sa kanila ay bed-ridden na. -Dindo Matining/ Abante TNT