Dahil sa kawalan ng performance, P1 nararapat na budget para sa Optical Media Board sa 2023 – Sen. Jinggoy

(SMNI NEWS) Isusulong ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada ang paglalaan ng piso na budget para sa Optical Media Board (OMB) sa panukalang ₱5.268-trillion national budget sa susunod na taon.

“According to my research, the OMB had no performance whatsoever for the past year. No collection, no apprehension of violators, wala talagang zero performance,” paglalahad ni Estrada sa panayam ng Ano Sa Palagay N’yo (ASPN) ng NET25 nitong Huwebes.

“One year in office wala talagang ginawa, zero performance. That’s why on Monday, during continuing budget plenary deliberations in the Senate, I will propose for a one peso budget for OMB,” dagdag pa ng mambabatas.

Sa isinagawang pagdinig noong Oktubre 18 sa panukalang budget na ₱75.858 para sa OMB sa susunod na taon, kinuwestiyon ni Estrada ang chairman ng ahensya na si Jeremy Marquez sa aniya’y kawalan ng maipagmamalaking performance ng OMB mula nang maupo ito sa regulatory office na nangangasiwa sa pagbibigay proteksyon at pagbibigay ng intellectual property rights sa digital form.

“During your term, there was zero administrative cases filed against violators of RA 9239 from November 2021 when you took over until about July of this year 2022. In contrast, the OMB was averaging 200 administrative cases filed each month before you took over,” dagdag pa ng senador.

Sa pagkukumpara kay Marquez sa mga naunang naupo sa ahensya, sinabi ni Estrada na nakakolekta ang OMB ng ₱560,000 noong 2018; ₱1.83 milyon noong 2019; ₱350,000 noong 2020; at ₱2.3 milyon noong 2021 sa administrative penalties.

“And during your term, zero collection. Number two, zero seizures of counterfeit and illegal storage devices from November 2021, when you took over, until August of this year. In fact, you only recently ordered the OMB agents to conduct seizure operation against violators of RA 9239 just so you can have something to report for the budget deliberations in both Houses of Congress,” sabi ni Estrada.

Ang halaga ng mga nakumpiska kada taon ng OMB sa pagitan ng 2018 hanggang 2021 ay mula ₱71.65 milyon hanggang ₱309.9 milyon at nang si Marquez ang naging chairman, umabot lamang ito sa ₱100,000.

Nang hingan ng paliwanag, sinabi ng OMB chairman kay Estrada na hindi na nila kailangang magsagawa ng seizure operations dahil hindi na talamak ang pagbebenta ng mga pirated DVD tulad ng dati.

“Hindi pupuwedeng ganoon. Kasi kapag nagkasala ka, kapag labag sa batas, kailangan aksyunan mo. Hindi ka naman puwedeng maging friendly sa lahat. Kung maging friendly ka sa mga kawatan, kung maging friendly ka sa mga violators ng batas, walang mangyayari. Talagang wala kang maa-apprehend,” ani Estrada.