Emergency alerts tuwing may kalamidad isalin sa Filipino – Jinggoy

Para matiyak ang kaligtasan at makatawag ng atensyon ng publiko sa tuwing may kalamidad o paparating na masamang panahon, iminungkahi ni Senator Jinggoy Ejercito Estrada na isulat sa Filipino at regional dialects ang mga public service announcements na inilalabas ng pamahalaan.

“Mas magiging epektibo ang mensahe kung mas naiintindihan ito ng mas nakararami. Sa mga pagkakataon na oras ang kalaban, ang kapakanan ng publiko ang dapat natin isaalang-alang,” sabi ni Estrada, Chairperson ng Senate Committee on National Defense and Security, Peace, Unification and Reconciliation.

Ayon kay Estrada, mahalagang maasahan at updated ang mga impormasyon na nakukuha ng mga indibidwal na nakatira sa apektadong komunidad kung kailan kritikal ang pagbibigay babala sa publiko.

“Ang pagkakasulat ng mga ito sa wikang madaling naiintindihan ng mga residente ay makatutulong na matiyak ang kanilang kaligtasan, maprotektahan ang kanilang ari-arian, magkaroon ng kooperasyon at mapadali ang pagtugon sa kanilang pangangailangan,” saad ng senador.

Sa ilalim Senate Bill No. 680 o Language Accessibility of Public Information on Disasters Act, iminungkahi ni Estrada na atasan ang lahat ng ahensya ng gobyerno at local government units (LGUs) na isalin sa Filipino o anumang naaangkop na regional dialect ang mga public emergency announcements upang madaling maintindihan ang lahat ng impormasyon para sa publiko na may kaugnayan sa kalamidad at mga hindi inaasahang mga pangyayari.

Sakop din ng panukala ang mga impormasyon tungkol sa mga social amelioration program, emergency assistance at iba pang mga hakbang para magbigay proteksyon sa publiko pati na ang paglaganap ng sakit at mga security concern ng military at pulisya at iba pa.

“Hangga’t maaari, dapat gawing simple at iwasan ang mga scientific jargon o mga teknikal na terminologies ang mga impormasyong isasapubliko. Dapat din itong maglaman ng impormasyon sa lawak at sukat ng paparating na epekto at pinsalang maaaring makaapekto hanggang sa antas ng barangay,” ani Estrada. Dindo Matining/AbanteTNT