Lubos ang ating pasasalamat sa ligtas na pag-uwi ng 299 nating mga kababayan, kabilang ang mga anak ng ilang OFWs, mula sa mga lugar na naapektuhan ng tumitinding tensyon sa Middle East.
Saludo tayo sa mabilis na pagkilos ng Department of Migrant Workers sa pangunguna ni Secretary Hans Leo Cacdac, kasama ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, upang matiyak ang kanilang ligtas na pag-uwi at ang agarang pagbibigay ng tulong pagdating nila sa bansa.
Ipinapaabot din natin ang ating pasasalamat sa UAE government at sa Emirates Airlines sa pag-aaruga at pagtulong sa ating mga kababayan hanggang sa kanilang ligtas na pagbalik sa Pilipinas.
Sa kabila ng mga panganib sa ibang bansa, patuloy na ipinapakita ng ating mga OFW ang kanilang tapang at sakripisyo para sa kanilang pamilya. Ang mahalaga ngayon ay ligtas na silang nakauwi at muling nakapiling ang kanilang mga mahal sa buhay.


