(RADYO PILIPINAS) Giniit ni Senate Committee on National Defense Chairman at Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na tinatangka muli ng China na ilihis ang atensyon ng publiko mula sa totoong isyu ng ilegal nilang panghihimasok nila sa ating teritoryo.
Ito ang reaksyon ni Estrada sa naging pahayag ni Chinese Foreign Minister Wang Yi na ‘staged’ o gawa-gawa lang ng Pilipinas ang mga insidente sa West Philippine Sea sa ilalim ng direksyon ng ibang mga bansa.
Ayon kay Estrada, walang anumang taktika ang makapagtatago ng katotohanan ng patuloy na pattern ng China ng ilegal, agresibo at mapanlinlang na aksyon sa karagatan at maging sa airspace ng Pilipinas.
Hindi aniya dapat magbulagbulagan sa lumalalang coercive tactics ng China laban sa ating mga maritime scientists at personnel at sa ilegal nilang presensya sa karagatang sakop ng Pilipinas.
Kaya naman nanawagan ang senador sa international community na kondenahin ang walang basehang pahayag na ito at suportahan ang Pilipinas sa pagdepensa sa kapayapaan, kaayusan, at rule of law sa rehiyon. | ulat ni Nimfa Asuncion