DepEd pipigain ng Senado sa mga ’ghost student’ ng Senior High School voucher program

(ABANTE) Ikinasa ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ang isang resolusyon para magpatawag ng imbestigasyon sa umano’y mga “ghost student” sa Senior High School (SHS) voucher program ng Department of Education (DepEd).

“Ang ayuda sa ilalim ng batas, Republic Act No. 8545, ay para sa lehitimong estudyante, hindi ‘ghost students’,” sabi ni Estrada.

Sa kanyang Senate Resolution No. 1316, hiniling ni Estrada na magsagawa ng imbestigasyon ang Senate Committee on Basic Education hinggil sa mga `ghost student’ sa voucher program.

“Ang pondong inilaan para sa SHS voucher program na nagkakahalaga mula P17,500 hanggang P22,500 ay dapat pakinabangan ng mga mahihirap na kabataang nangangarap na makapagtapos man lang ng senior high school, hindi ng kung sino-sinong nagmamanipula ng programa ng gobyerno,” ani Estrada.

Maaaring kailangan aniya magpasa ng bagong batas ang Kongreso upang palakasin pa ang SHS voucher program, tukuyin ang mga ilegal na aktibidad na may kinalaman dito, at magpatupad ng mas mabigat na parusa laban sa mga paglabag.

Una nang inihayag ng DepEd na kasalukuyan na itong nag-iimbestiga sa 12 pribadong paaralan na sangkot umano sa “ghost students” bilang mga benepisyaryo ng SHS voucher program.