Pagtatayo ng disaster food banks sa bawat probinsya at lungsod iginiit ng senador

(ONLINE BALITA) Iminungkahi ng isang senador ang pagkakaroon ng disaster food banks sa lahat ng probinsya sa buong bansa.

Ayon kay Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada, layon nito na mapabilis ang paghahatid ng relief goods at iba pang pangunahing suplay sa panahon na may kalamidad o krisis.

Aniya, ang pagtatatag ng nationwide network ng food banks at stockpile na magsisilbing imbakan ng mga hindi nabubulok na pagkain, maiinom na tubig, gamot at mahahalagang suplay para sa agarang pamamahagi sa mga apektadong lugar ay dapat na mangyari.

“Dahil madalas tayong tamaan ng kalamidad, ang paghahanda sa sakuna ay dapat ginagawa kahit na sa panahon na walang kalamidad. Maraming beses nang nangyari na naantala ang pagpapadala ng relief goods dahil may problema sa accessibility ng mga apektadong lugar. Kung may food banks nationwide, makakaasa tayo na may maipamamahagi sa ating mga kababayan sa panahon ng kalamidad,” paliwanag ni Estrada.

Sa inihain nitong Senate Bill No. 2860 o ang kanyang panukalang Disaster Food Bank and Stockpile Act, layon nito ang pagtatatag ng sentral na imbakan at reserba ng suplay para sa pagkain, tubig, mahahalagang medikal na suplay, at iba pang pangunahing gamit tulad ng portable na kuryente at ilaw, first aid kits, damit, tolda at mga kagamitang pang-komunikasyon sa bawat probinsya at urbanisadong lungsod para sa pagtugon sa mga pangangailangan sa disaster response at recovery operations.

“Ayaw rin nating maulit ang nangyari noong kasagsagan ng pandemya na walang sapat na domestic inventory ng personal protective equipment (PPE) sa bansa. Kung sapat ang suplay noon, posibleng naagapan natin ang pagkalat ng sakit at mas marami ang naligtas,” sabi ni Estrada, patungkol sa COVID-19 pandemic.

Sa ilalim ng SBN 2860, hindi dapat bababa sa dalawang taon ang shelf life ng mga suplay at sapat dapat ito sa pangangailangan ng mga mamamayan sa loob ng tatlong linggo.

Ang prayoridad para sa prepositioning ng mga food bank at stockpile ay ang mga isla na munisipalidad, malalayong lugar, at mga 4th hanggang 5th class na mga munisipalidad.

Ayon kay Estrada, isang first-in, first-out system o anumang katulad na sistema ang ipatutupad sa paggamit at pamamahagi ng stockpile.

Ang mga item at materyales na malapit nang mag-expire ay ido-donate at ililipat sa mga angkop na ahensya at institusyon tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Health (DOH), mga ospital ng gobyerno, at mga local government units (LGUs) para sa agarang pamamahagi sa mga indigent na mamamayan at agad na mapapalitan.

Ang iminungkahing food bank at stockpile o imbakan ay ilalagay sa isang calamity-proof at ligtas na lugar o warehouse at pamamahalaan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at DSWD.