(ABANTE) Naghain si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ng isang panukalang batas na naglalayong ituring na isang krimen ang panghihimasok ng mga employer at ng gobyerno kontra sa pagbuo ng unyon ng mga manggagawa, kasama na ang pag-harass sa sinumang nagnanais na sumali dito.
“Sa kabila ng paggarantiya sa ilalim ng Konstitusyon sa karapatan at kalayaan ng mga manggagawa na bumuo at sumali sa mga organisasyong kanilang pinili, marami pa rin ang nakararanas ng harassment, pamimilit at pananakot ng iba’t ibang sektor. Ang mga ganitong gawain ay naglalayong supilin ang tinig ng sektor ng manggagawa,” sab ni Estrada, na kilalang tagapagtanggol ng mga manggagawa, sa kaniyang inihaing Senate Bill. No. 2735.
Sa kanyang pagtutulak ng agarang pagpasa ng SB 2735, o ang panukalang “Strengthening the Freedom of Association of Workers’ Act,” layon ni Estrada na punan ang mga kakulangan sa Labor Code at palakasin ang pagpapatupad ng Article III, Section 8 ng 1987 Constitution na ginagarantiyahan ang karapatang bumuo ng unyon, asosasyon o samahan nang walang paghihigpit.
Gagawin ding krimen ang pagbabawal ng mga employer o awtoridad ng gobyerno ang mga manggagawa na sumali o pilitin sila na talikuran ang pagiging miyembro ng unyon.
Nakasaad din dito na hindi pwedeng pilitin ang mga manggagawa na dumalo sa mga seminar na laban sa unyon, hikayatin sila na huwag suportahan ang unyon sa panahon ng halalan, o hadlangan ang operasyon ng unyon.
Dagdag pa rito, bawal ding parusahan o diskriminahin ang mga manggagawa sa kanilang trabaho o pagkaitan sila ng serbisyo ng pamahalaan dahil sa pagiging kasapi nila ng unyon.
Nakasaad din sa panukala na labag sa batas ang pagbawalan ang mga manggagawa na makatanggap ng tulong mula sa gobyerno base sa pagiging kasapi nila ng unyon, pigilan ang mga lider ng unyon na tuparin ang kanilang mga tungkulin, at panghimasukan ang mga gawain ng unyon.
Ipagbabawal din ang pag-harass o interrogation ng mga manggagawa, organizer, mga organisasyon ng mga manggagawa o mga opisyal ng unyon batay lamang sa kanilang pagiging kasapi o kaanib sa mga organisasyon o unyon ng manggagawa.
Ang pangangalap o paggamit ng personal na impormasyon ng mga manggagawa, union organizers at mga opisyal nito o anumang organisasyon ng mga manggagawa gaya ng pangalan, tirahan, at mga contact details na maaaring gamitin sa harassment at profiling ay ipinagbabawal din.
“Sinumang tao na pumipigil, nangha-harass, namimilit, o labis na nakikialam sa manggagawa, asosasyon o unyon ng manggagawa na pinapairal ang kanilang karapatan sa pagbuo ng organisasyon, o sa anumang paraan ay gagawa ng paglabag sa mga probisyon ng Sections 5 at 6 ng panukalang batas na ito ay mapaparusahan ng multa na hindi bababa sa P100,000 o pagkakakulong ng hindi bababa sa isang taon ngunit hindi lalampas sa dalawang taon, o parehong ipataw ayon sa pagpapasya ng Korte,” sabi ni Estrada. (Dindo Matining)