Mister President, distinguished members, I rise before you on a matter of collective and personal privilege.
Pahintulutan ninyo akong banggitin ang mga nasambit ng isang philanthropist mula sa Gawad Kalinga na: “Walang maliit o malaking ambag pagdating sa bayanihan. Lahat mahalaga. Lahat importante. Lahat pinapahalagahan.”
Para sa mga naghihirap nating mga kababayan na lalo pa at patuloy na pinahirapan ng mga kalamidad, ang lahat at anumang uri ng tulong na makakarating sa kanila ay tunay na biyaya.
Maliit man o malaki ang pinapamahagi ng mga tumutulong, ito ay nagbibigay pag-asa sa mga kababayan nating nangangailangan. At sa isang demokratikong lipunan, dapat may kalayaan ang sinuman na magpaabot ng tulong at donasyon sa kanilang kapwa, sa paraang nais nila.
Bilang pangkalahatang patakaran, tungkulin ng estado na magbigay ng pinakamataas na antas ng pangangalaga, tulong at serbisyo sa mga indibidwal at pamilyang naapektuhan ng sakuna, magpatupad ng emergency rehabilitation projects para mabawasan ang epekto ng sakuna at mapabilis ang pagbabalik ng normal na mga aktibidad ng lipunan at ekonomiya.[1]
Kaya hindi ko lubos maisip, Ginoong Pangulo, kung ano ang mabuting maidudulot ng pagpapatupad ng City Ordinance No. 26 series of 2024 ng San Juan City, sa nasasakupan nitong lungsod, na magtakda ng pataw na limang libong pisong multa sa sinumang donor na hindi magpapasintabi sa Office of the Mayor.
Bakit kailangan pang dumaan sa isang mahaba at di makatwiran na proseso ang pagbibigay ng tulong? Hindi ba’t mas mainam at mabilis na paraan kung direktang makakarating ang tulong sa mga nangangailangan?
Hindi ba’t sa halip na limitahan ang galaw ng mga gustong tumulong, mas nararapat na bigyan sila ng mas malawak na kakayahan para damayan ang mga nangangailangan?
Habang pinaghihirapan natin ang pagbalangkas ng mga batas para mabawasan ang burukrasya sa gobyerno, heto’t may isang lungsod na tila balakid sa mga mapagkawanggawa. Hindi ba kalabisan sa batas ang pagpapataw ng ganitong multa?
Likas sa ating mga Pilipino ang diwa ng bayanihan. Ang mga ganitong panuntunan ay maaari lamang magdulot ng pag-aalalinlangan sa mga nais tumulong. Sa halip na hikayatin ang pagbabayanihan, tila pinipigilan pa ito.
Malaking halaga ang limang libong piso lalo na sa mga ordinaryong mamamayan na nagpapaabot ng kaunting tulong. Sa halagang ito, maaari mo nang matustusan ang apat na araw na pangangailangan ng isang pamilyang binubuo ng limang katao.
Ang ganitong uri ng palakad sa gobyerno ay nagtatanggal ng karapatan sa mga mamamayan na direktang makatulong sa ating mga kababayan. Nagpapakita din ito ng kawalan ng tiwala sa mga may mabuting hangarin. Maski po ako ay napaisip kung may iba pa bang layunin sa likod ng ordinansang ito?
Sino ba ang higit na nakakaalam ng pangangailangan ng mga taga-San Juan? Hindi ba’t ang mga nasasakupan din nito? Wala akong nakikitang magandang maidudulot ito sa mga nais tumulong at maglaan ng kanilang oras at resources kundi dagdag pasanin ang ganitong uri ng patakaran.
Ginoong Pangulo, minsan din akong nanilbihan bilang alkalde ng San Juan at, at gayun din ang kapatid kong si Senator JV, at naging Pangulo pa ng Mayors League of the Philippines. Pero ni minsan ay hindi ko hinarangan o hinadlangan ang anumang tulong para sa aking mga kababayan na nasalanta at nangangailangan — kahit pa ito ay galing sa mga hindi ko nakakasundo o kaalyado sa pulitika.
Malinaw na may bahid ng pulitika ang ordinansang ito. At hindi maikakaila na inaprubahan ito matapos ang isang video na kinasangkutan ng inyong lingkod. Sa insidenteng iyon, pinagkaitan ako ng pagkakataon na ipagbigay-alam sa mga biktima ng sunog na handa ako na magbigay ng tulong.
Hindi ito ang unang pangyayari kaya’t isang malaking kasinungalingan ang pinalalabas ngayon ng mayor ng San Juan City na “welcome na welcome ang lahat ng nais tumulong sa San Juan.”
Bukod sa napapabalita noon na pagpapakulong sa akin sa kalagitnaan ng pandemya nang mamigay ako ng bangus sa mga taga-San Juan, pinagdamutan din ang inyong lingkod na mamigay ng kaunting tulong sa ating mga kababayan.
Ginoong Pangulo, sumulat ang aking tanggapan para bigyan ng pahintulot na gamitin ang Pinaglabanan Memorial Shrine noong February 17, para makapagbigay ng grocery items sa tatlong libong katao, at nangako kami na sisiguraduhin ang kaayusan, kalinisan pati na rin ang traffic management para hindi makaabala sa mga motorista.
Ginoong Pangulo, hindi po inaksyunan ang simpleng kahilingan na ito. Kaya paano nila masasabing “laging bukas ang ating pamahalaan para makipag-ugnayan sa inyo,” sa lahat ng nais tumulong? Sinungaling ka.
Tungkulin ng pamahalaang lungsod na palakasin ang ugnayan sa komunidad at suportahan ang mga nagmamalasakit, hindi ang maging balakid.
Sa halip na magpatupad ng multa, dapat ay maglatag ng mga hakbang na magsisiguro na magiging mabisa at agarang mapapaabot ang mga tulong mula sa pribadong indibidwal o sektor. Dapat may laya ang bawat isa na makapagbigay ambag sa tulong na kailangan ng mga biktima ng sakuna sa paraang nais nila.
Sa usaping ito, kalabisan na ang pinaiiral na panuntunan ng San Juan City lalo na kung barangay level ang apektado ng mga sakuna. Masyado naman atang mapanikil o anti-poor ang sistemang ipinatutupad nila, dagdag pa ang pagpapataw ng multa.
Sa panahon ng sakuna, hindi dapat pamumulitika ang pairalin. May sinumpaang mandato tayong mga lingkod-bayan – ang unahin, hindi ang pansariling interes kundi ng nakakarami; ang pagsasakripisyo para sa kapakanan ng taumbayan.
Panghuli, nananawagan po ako sa mga lider ng doon po sa lungsod ng San Juan na muling pag-isipan ang pagpapatupad ng kanilang ordinansa. Pairalin natin ang pagbabayanihan at pagmalasakitan hindi lang ang mga nangangailangan maging ang mga nagmamagandang-loob sa kanilang nasasakupan.
Maraming salamat po sa inyong pakikinig, nawa’y patuloy tayong maging gabay ng ating mga kababayan tungo sa mapayapa at masaganang pamayanan.
Maraming salamat po.