(RADYO PILIPINAS) Tinawag ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na hindi makatwiran, kalokohan at kapritso lang ang kautusan ng pamahalaang lungsod ng San Juan tungkol sa pamamahagi ng tulong sa mga biktima ng kalamidad.
Partikular na tinutukoy ni Estrada ang City Ordinance No. 26 Series of 2024 na nagsasaad na ang lahat ng donasyon para sa mga residente ng San Juan ay dapat dumaan sa Office of the Mayor para matiyak na ito ay nairerekord ng maayos at pantay-pantay na makakakuha ang mga benepisyaryo.
Nakasaad din sa ordinansa na lahat ng donors na papasok sa evacuation centers ay kailangang kumuha ng Entry Permit mula sa opisina ng alkalde at ang pagpapatupad ng curfew sa mga evacuees mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-6:00 ng umaga.
Sa isang pahayag, sinabi ng senador na sa ganitong panuntunan ay ang mga residente lang ng San Juan ang talo dahil mawawalan lang ng gana o matatakot ang mga nais mag-donate dahil sa banta ng multang ₱5,000.
Sa kabila nito, hindi aniya matitinag si Estrada na magpaabot ng tulong sa mga nangangailangan niyang kababayan sa San Juan. | ulat ni Nimfa Asuncion