Statement on the viral video on social media

Para sa kaalaman ng lahat, ang tiktok video na kumakalat ay patungkol sa isang insidenteng nangyari nitong April 18, 2024 kung saan nagtungo ako para ipabatid sa mga nasunugang residente ng Brgy. Batis, San Juan City na pansamantalang namamalagi sa isang gymnasium na mamimigay ako ng cash assistance sa kanila kinabukasan.

Ang simpleng pag-aanunsyo na pakay ng mga kinatawan ng aking opisina na nagtungo doon para makipag-coordinate sa kanila, ay pilit na pinipigil ng mga lokal na opisyal ng San Juan na naroroon sa lugar ng mga oras na iyon, sa kadahilanan na sila lamang ang nakakaalam.

Mahigit isang oras nang nakikiusap ang mga kinatawan ng aking opisina sa pag-aanunsyo sa mga nasunugan para maayos ang mangyayaring pamimigay ng tulong, alinsunod na rin sa patakaran na ipinatutupad ng lokal na pamahalaan ng San Juan, ngunit hindi sila pinapayagan. Maayos na nakikipag-usap at nakikiusap ang aking staff ngunit hindi sila nakikipagtulungan.

Kaya napilitan ako na ako na mismo ang pumunta para kausapin sila nang maayos ngunit walang gustong humarap sa amin. Ito ang nagbunsod para kumprontahin ko ang isa sa kanila. Sa nasabing video, gusto nilang palabasin na ginagamit ko ang aking posisyon para gawin ang gusto kong mangyari ‘porke senador kayo.’

Opo, ako po ay Senador at ginagamit ko ang posisyong ito para makatulong lalong lalo na sa mga taga-San Juan na kinalakihan ko at hindi ko hahayaan na mapigilan ako na makiramay sa mga nangangailangan sa panahong kailangang-kailangan nila ng tulong.

Gayunpaman, nangyari ang pag-aanunsiyo ko nang payagan ako ng mga pulis na nandoon ng oras na iyon. At narito po ang nasabing video:

https://drive.google.com/file/d/1Rs5gDK4Zbu1B9PwIeQNyR84_xAQB99N3/view?usp=drive_link

Dahil naiparating namin sa mga biktima ang pakay ko na pagtulong, naisagawa namin ang pamimigay ng cash assistance. Ang pagpapalabas at pagpapakalat ng mapanirang tiktok video ay malinaw na malinaw na may bahid pulitika. Kung bakit ngayon ito ipinakalat, tanging ang mga nasa likod nito ang siyang makakasagot.

Hinding hindi ako magpapatinag sa mga paninira dahil alam ko na lalabas at lalabas ang katotohanan. Hinding hindi ako mapipigilan na tumulong sa aking mga kababayang nangangailangan sa abot ng aking makakaya, senador man ako o hindi.

https://drive.google.com/drive/folders/1u1QZ4er1ix-yqXcHe80swHkdZXdkV-wX?usp=sharing