(RADYO PILIPINAS) Para kay Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada, napapanahon at kailangang kailangan ang inaprubahang P35 na dagdag sa daily minimum wage ng mga manggagawa sa Metro Manila.
Ayon kay Estrada, makakatulong ang dagdag sahod sa gitna ng inflation o patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Gayunpaman, binigyang diin ng senador na mas mainam sana kung mas mataas pa ang arawang sahod nila dahil kakarampot aniya kung tutuusin ang dagdag na P35.
Pero para sa ngayon aniya ay makapagbibigay na ng kinakailangang relief sa mga manggagawa ng Metro Manila at kanilang pamilya itong umento sa sahod.
Nagpasalamat rin si Estrada sa NCR Tripartite Wages and Productivity Board sa inaprubahan nilang adjustment, na inaasahang mapakikinabangan ng nasa 1.1 million minimum wage earners sa kamaynilaan.
Pinapakita aniya nito ang pagkilala sa paghihirap ng mga manggagawa at ang pangangailangan na pagbutihin ang kanilang purchasing power. | ulat ni Nimfa Asuncion