(BOMBO RADYO) Nagpaabot ng pakikiramay si Senate Committee on Labor and Employment chairman Sen. Jinggoy Estrada sa pamilya at mahal sa buhay ng 2 overseas Filipino workers (OFWs) na napatay sa giyera sa Israel.
Inihayag din ng Senador na dapat nakahanda ang gobyerno na magbigay ng agarang tulong at suporta para sa ating mga kababayang Pilipino na naiipit sa nagpapatuloy na bakbakan sa pagitan ng militanteng Hamas at pwersa ng Israel.
Dapat din aniyang tiyakin ng pamahalaan na makakarating ang lahat ng kinakailangang tulong hindi lamang sa mga biktima ng karahasan kundi maging ng kanilang mga pamilya.
Aniya, mayroong sapat na pondo ang gobyerno para maisakatuparan ang repatriation o pagpapauwi sa ating mga kababayang nasa Israel. Ito ay ang P8.9 billion na alokasyong pondo sa ilalim ng Emerency Repatriation Fund (ERF) ang inilaan para sa Department of Migrant Workers (DMW) ngayong 2023.
Kung saan nasa P693.5 million o katumbas ng 7% ng pondo pa lamang ang nagugugol at P9.1 billion naman ang nakaantabay na maaring gastusin para tustusan ang agarang repatriation ng mga Pinoy.
Hinimok din ng Senador ang mga Pilipino sa Israel na makipag-ugnayan sa Embahada ng Pilipinas sa Tel Aviv para sa agarang tulong at impormasyon para sa posibleng repatriation.