(RADYO PILIPINAS) Bumisita si Senate Committee on National Defense Chairperson Senador Jinggoy Estrada sa Pag-Asa Island sa Kalayaan, Palawan para personal na tingnan ang sitwasyon ng military troops na naka-deploy doon at ng mga residente sa lugar.
Matapos ang pag-iikot sa isla, ipinangako ni Estrada na isusulong niya ang pagpapataas ng budget ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ito ay matapos hilingin ng tropang nakadestino sa Pag-Asa Island ang dagdag na kagamitan, para ma-detect at ma-monitor ang mga pumapasok na dayuhan sa ating bansa.
Kabilang sa mga nasa wish list ng AFP ang bagong radar system, pagpapatayo ng wastewater treatment facility sa isla, at ang 300-meter extension ng runway ng Pag-Asa Island.
Inaayos na rin ng Philippine Air force ang mga pasilidad sa Balabac Island sa Palawan, na itinuturing na strategic location dahil malapit ito sa isang international sea lane.
Sinabi ng senador, na sa ilalim ng 2023 national budget nasa P110 billion ang nakalaan sa ating militar habang P65 billion naman ang nakalaan para sa AFP modernization program ngayong taon. | ulat ni Nimfa Asuncion