Keynote Speech for Governance Commission for GOCC’s
Flag Raising Ceremony
GCG Towers, Paseo de Roxas, Makati City | 27 February 2023
Isang masaya at produktibong pagsisimula ng linggo para sa mga lingkod-bayan na kagaya ninyo. unahin ko na ang pagpapasalamat sa pamunuan ng Governance Commission for Government-Owned and Controlled Corporations sa pangunguna ni retired Sandiganbayan Justice Alex L. Quiroz, sa imbitasyong ipinaabot ninyo sa akin upang maging Guest Speaker sa inyong flag ceremony.
Malaking karangalan ang humarap sa inyo ngayong umaga lalo na’t napag-alaman ko na sa dinami-dami ng pangalan ng mga senador na iminungkahi bilang panauhing pandangal sa araw na ito, ang inyong lingkod ang napiling padalhan ng imbitasyon.
Hindi ko po alam kung ano ang pamantayan ng GCG sa pagpili ng panauhing pandangal. Ngunit isa lang ang nasisiguro ko—pareho tayo ng hangarin na maisaayos ang sistema ng pamahalaan lalo na sa sektor ng paggawa.
Batid kong isa ang Lunes sa mga araw na kinatatamaran ng karamihan. Dahil mula sa masayang weekend kasama ang pamilya, naghihintay ang panibagong linggo na may nakaatang na malaking responsibilidad sa ating mga balikat na kailangang gampanan para sa tungkuling ating sinumpaan.
Pinasok natin ang paninilbihan sa gobyerno kaya’t nararapat lamang na isapuso natin ang paglilingkod sa taumbayan–higit pa sa ating mga sarili.
As your Chairperson of the Senate Committee on Labor, Employment, and Human Resources Development, it is my duty to oversee the legislation of matters that will advance the interest of workers, promote employer-employee cooperation, maintenance of industrial peace, and practically everything that concerns human resource development.
Hindi lamang kapakanan ng manggagawa sa pribadong sektor ang ating tinututukan kundi pati na rin ang interes ng ating mga kawani sa gobyerno.
Kaisa tayo ng taumbayan sa pagsusulong ng mga batas para maiangat ang antas ng pamumuhay ng bawat pamilyang Pilipino. Gaya na lamang ng pagsusulong natin ng Senate Bill 1027 na naglalayong doblehin na ang Monthly Personnel Economic Relief Allowance na mula sa buwanang P2,000 ay makakatanggap na ng P4,000 subsidy ang ating mga empleyado sa gobyerno.
Batid ko na hindi na sapat ang kasalukuyang P2,000 na subsidiyang kanilang natatanggap dala na rin ng tumataas na inflation rate. Sa tulong ng batas na ito, kahit papano’y matutustusan ang pangunahing pangangailangan ng ating mga government personnel. Makakaasa kayo na tututukan ko ang panukalang ito hanggang sa maging ganap na itong batas.
Sa mga susunod na araw at buwan ay magsusulong pa tayo ng iba pang mga batas para sa kapakinabangan ng manggagawang pilipino tulad ng “Magna Carta for Workers in the Informal Sector”, “Freelancers Protection Act”, at “Modifications to Existing Normal Hours of Work, Including Shortened Meal Breaks, and Overtime Work” na kasalukuyan ng nakahain sa 19th Congress.
Bilang pagtatapos, I would like to thank the GCG for continuously striving to transform the GOCC sector by refining its policies and delivering unhampered services amid the challenges posed by the COVID-19 pandemic.
Umaasa akong muli kayong makaharap at makasama para pag-usapan kung papaano pa natin mas lalong mapapalakas ang GCG at mas mapaghuhusayan pa ang inyong mandato.
Maraming salamat at magandang umaga sa inyong lahat!