(ABANTE) Tatalakayin na ng Senate Committee on Labor, Employment, and Human Resources Development ang panukalang batas na magbibigay proteksyon laban sa pang-aabuso, harassment, karahasan at pagsasamantala pati na ang pagtatatag ng mga kaukulang benepisyo para sa mga caregiver.
“Nais nating bigyan hindi lang ng insentibo pati na rin ng dignidad ang mga caregiver sa lahat ng sulok sa ating bansa,” sabi ni Estrada, may-akda ng Senate Bill No. 1440 o ang panukalang “Caregivers Welfare Act”.
Sa Lunes, Disyembre 12, nakatakdang magsagawa ng pagdinig si Estrada sa mga nasabing panukala na may katulad na bersyon na inihain nila Senador Loren Legarda, Sonny Angara, Francis Tolentino, at Ramon Revilla Jr.
Paliwanag ng senador, hindi nabibigyan ng nararapat na benepisyo ang mga caregiver na mataas ang demand sa kanilang serbisyo lalo na sa labas ng bansa.
“Ang mga caregiver ay kadalasang hindi nabibigyan ng sapat na sahod at napipilitang magtrabaho ng mahabang oras. Mabigat ang tungkuling ginagampanan ng ating mga caregiver kaya nararapat lamang na pahalagahan ng gobyerno ang kanilang propesyon at tugunan ang kawalan ng proteksyon at benepisyo sa kanilang hanay,” ani Estrada.
Nilalaman ng SB 1440 ni Estrada ang panukalang patnubay para sa paghahanda at pagpapatupad ng mga employment contracts, pagsumite ng pre-employment requirements, bilang ng oras ng trabaho, minimum wage, pagbabayad ng sahod, leave and other benefits, hindi pagbawas ng benepisyo, proteksyon mula sa hindi makatarungang pagkatanggal sa trabaho, proteksyon sa mga tinanggap sa pamamagitan ng private employment agencies, settlement of disputes, tungkulin ng caregivers at mga pangunahing pangangailangan na dapat ipagkaloob ng mga employer.
Sa ilalim ng panukala ni Estrada, dapat nasa walong oras ang bawat shift at ang karagdagang oras ay dapat masakop ng mandatory overtime pay. Dapat din aniya na nasa minimum wage ang sahod ng mga caregiver o batay sa naaangkop na minimum na sahod ng nasasakupang rehiyon.
Naglagay rin ng probisyon si Estrada sa pagbibigay ng taunang annual service incentive leave na hindi bababa sa limang araw para sa mga caregiver na nakapanilbihan na isang taon at ang mga hindi nagamit na annual leave ay mabibilang sa susunod na taon.
Ang mga hindi nagamit na service incentive leave ay maaaring ma monetize, ani Estrada. -Dindo Matining/ Abante