Benepisyo, allowances sa ‘Hybrid Work Model’ tiyakin – Jinggoy

NEWS RELEASE

Former Jinggoy Estrada

Mobile: 0917-5357878

 

 

BENEPISYO, ALLOWANCES SA ‘HYBRID WORK MODEL’ TIYAKIN – JINGGOY

 

Dapat tiyakin na makakatanggap ng tamang benepisyo at allowances ang mga Pinoy na pipiliing magtrabaho sa ilalim ng hybrid work model o magkahalong trabaho sa bahay at sa opisina.

 

Ito ang ipinahayag ni UniTeam senatorial candidate Jinggoy Estrada sa gitna ng dumaraming Pinoy na pumipili umano nang work-from-home set up dahil sa takot sa COVID-19 at hirap nang pag-biyahe patungo at pauwi mula trabaho.

 

“Kapag pinili ng isang empleyado na magtrabaho sa bahay, dapat tiyakin ng employers na maibibigay pa rin sa kanila ang karampatang benepisyo at allowances. Bukod sa nagagawa naman nila ang kanilang tungkulin, nakakatipid din ang mga kumpanya sa kuryente, tubig at maging renta sa opisina,” paliwanag ng dating senador.

 

Ani Jinggoy, nakakabahala ang napabalitang pagtaas ng bilang ng mga Pinoy na nagbibitiw sa trabaho sa gitna ng pandemya.

 

Batay sa pag-aaral ng Sprout Solutions, isang Filipino software company,  tumaas ng mahigit 70 porsyento ang bilang ng mga Pinoy na kusang nagre-resign sa kanilang trabaho noong 2021. Apektado umano sa mass resignation ang professional, scientific at technical services na may attrition rate na 273%;  construction, 120%; arts and entertainment 207%; at information and communication industry, 117%.

 

Ayon sa dating chairman ng Senate labor committee, pangunahing dahilan umano ng pagbibitiw sa trabaho ng maraming Filipino ang biglaang pagbabago sa work set up; kawalan ng balance sa trabaho at buhay-pamilya; pagbabawas ng sahod; at pangamba sa seguridad ng kanilang trabaho.

 

Ayon kay Jinggoy, dahil sa COVID-19 pandemic, dumami ang pumili ng hybrid work model dahil sa paningin ng mga empleyado ay mas ligtas sila habang sa bahay nagta-trabaho dahil makakaiwas sila sa posibleng hawaan sa pampublikong sasakyan at sa loob ng tanggapan.

 

“Ngunit hindi nangangahulugan na dahil naka work-from-home ang isang empleyado ay maaari nang bawasan ang kanyang suweldo o benepisyo,” diin niya.

 

Dahil dito, balak ni Jinggoy na maghain ng panukalang batas na maglilinaw sa hybrid work model, responsibilidad ng mga employers at tungkulin ng mga work-from-home employees. “Dapat protektado ang manggagawa at maging ang employers na nagpapasahod sa kanila. Bagamat mayroong mapagsamantalang employers, marami ding empleyado ang abusado,” paliwanag ni Jinggoy.