Ahensiya na magpapalakas sa mga worker isusulong ni Jinggoy

Kapag muling nahalal sa Senado, isusulong ni dating Senador Jinggoy Estrada ang paglikha ng dalawang pambansang ahensiya na tututok sa pagtutugma ng kasanayan o skills at pantay na pagkakataon sa trabaho para sa milyon-milyong Pilipinong nadiskaril ang hanapbuhay dahil sa COVID-19.

Bilang dating chairman ng Senate labor committee, sinabi ni Estrada na ang paglikha ng National Employment Assistance Center (NEAC) at National Manpower Data and Placement Center (NMDPC) ay dapat bigyang prayoridad dahil sa mahirap na sitwasyon ng mga manggagawa sa bansa.

“Ang ating unemployment rate ay umakyat na sa 8.1% batay sa pinakahuling ulat. Dahil dito, ang paglikha ng dalawang ahensya ay magpapalakas sa kakayahan ng pamahalaang itugma ang kasanayan o skills at oportunidad sa hanapbuhay para sa milyon-milyong Pilipino kabilang na ang mga overseas Filipino workers (OFW),” giit ni Estrada.

Una rito, sinabi ng dating senador mula sa San Juan na sakaling palarin siyang muling makabalik sa Senado, tututukan niya ang mga adbokasiyang tutugon sa kawalan ng trabaho at isusulong ang kapakanan ng mga ordinaryong manggagawa o daily wage earners.


Link: https://www.abante.com.ph/ahensiya-na-magpapalakas-sa-mga-worker-isusulong-ni-jinggoy/